Trabahador naglakad mula Parañaque hanggang CamSur matapos abutan ng lockdown

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 08:03 PM | Updated as of Mar 25 2020 09:22 PM

Isang construction worker ang napilitang maglakad mula Parañaque City papunta sa Camarines Sur matapos maabutan ng Luzon lockdown, na ipinatupad kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Marso 17, alas-12 ng hatinggabi, nang ipatupad ang enhanced community quarantine sa Luzon, kung saan sinuspinde ang lahat ng uri ng mass transportation. 

Sa cellphone video na kuha ni Zenia Banagan noong Marso 18, makikita ang trabahador na si Marlon Dalipe na umabot na noon sa Tagkawayan, Quezon. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Ani Banagan, pinakain niya si Dalipe matapos nitong ikuwento ang dinanas niya nang maabutan ng enhanced community quarantine sa buong Luzon. 

"Sabi ko magkape ka muna, sabi niya tubig na lang. Pinakain ko ng noodles," sabi ni Banagan. 

Ikinuwento ni Dalipe kay Banagan ang ginawa niyang paglalakad hanggang makaabot sa Quezon. 

Inabutan si Dalipe ng lockdown sa Alabang. 

"Inabutan kami ng alas-12 sa Alabang, wala na," sabi ni Dalipe, batay sa video ni Banagan. 

Bitbit ang backpack, hindi natulog si Dalipe sa daan.

"Sabi niya kung matutulog pag gising mo nandun ka pa rin," kuwento daw ni Dalipe kay Banagan. 

Nakarating si Dalipe sa kanilang bayan sa Del Gallego, Camarines Sur noong araw ding iyon, ayon na rin sa ama ni Dalipe na nakausap ni Banagan.

Magtatagal hanggang Abril 12 ang lockdown ng buong Luzon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.