TINGNAN: Isolation facility ng Makati para sa mga pinaghihinalaang may COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 04:21 PM | Updated as of Mar 25 2020 07:06 PM

Kuwarto sa Makati Friendship Suites na magsisilbing isolation facility sa lungsod para sa mga pinaghihinalaang may COVID-19. Retrato mula sa My Makati/ Facebook

Handa na ang establisimyentong gagamitin ng local government ng Makati bilang isolation facility para sa mga residenteng person under investigation (PUI) o pinaghihinalaang may coronavirus disease (COVID-19), sabi ngayong Miyerkoles ni Mayor Abby Binay.

Na-convert na sa isolation facility ang 3 gusali ng Makati Friendship Suites sa Barangay Cembo, kung saan bibigyan ng pangangailangang medikal ang mga PUI, ayon kay Binay.

Ang Friendship Suites ay dating tuluyan ng mga bisita ng city government mula sa ibang probinsiya.

Kayang tumanggap ng pasilidad ng hanggang 100 pasyente na aasikasuhin ng mga doktor at nars ng Ospital ng Makati, sabi ni Binay.

Watch more in iWant or TFC.tv

May X-ray machines, cardiac monitors at defibrillators o panguryente sa dibdib umano ang pasilidad.

Bumuo na rin ang local government ng grupo para sa patient management, disinfection, at seguridad, ani Binay.

Binubuo umano ang naturang grupo ng mga first responder mula sa Makati Health Department, sanitation workers ng Department of Environmental Services, at mga tauhan ng Makati police.

Sa huling tala, 20 na ang nagpopositibo sa COVID-19 sa Makati.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.