Tagum City naglaan ng isolation facility bilang hakbang vs COVID-19

Marlon Marces, ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 07:14 PM | Updated as of Mar 25 2020 10:23 PM

Nakalaan sana ang itinayong Regional Evacuation Center para sa mga bakwit o maaapektuhan ng kalamidad sa lungsod pero dahil sa banta ng COVID-19, gagawin na itong infectious disease isolation facility. Courtesy: City Government of Tagum

TAGUM CITY, Davao del Norte — Naglaan ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng isang isolation facility bilang hakbang sakaling lumobo ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Nakalaan sana ang itinayong Regional Evacuation Center para sa mga bakwit o maaapektuhan ng kalamidad sa lungsod. Halos dalawang taon na itong naitayo. 

Pero dahil sa banta ng COVID-19, naisipan na ng lokal na pamahalaan na gawin itong infectious disease isolation facility. 

Maglalagay ng kuwarto dito bilang paghahanda kung sakaling lolobo ang kaso ng COVID-19.

Pumalo na sa 636 ang bilang ng mga taong may COVID-19 sa Pilipinas, 26 na ang gumaling, at 38 na ang pumanaw, sabi ngayong Miyerkoles ng Department of Health (DOH).

IPAGBABAWAL?

Samantala, nagbabala si Tagum City Mayor Alan Rellon na hindi papayagang makabiyahe ang mga multicab at tricycle drivers sa kanilang lungsod kung hindi susunod sa physical distancing ang mga ito.

Alinsunod ito sa ipinasang resolusyon ng City Franchising and Regulatory Board. 

Dalawa lang dapat ang sakay ng tricycle, sa harap at sa likod. 

Tinatayang nasa 3,000 ang tricycle drivers sa Tagum City. 

Marso 19 nang ipatupad ang strict community quarantine sa Tagum lalo na’t dumarami ang bilang ng mga patients under investigation at persons under monitoring sa lungsod.

May ipinatutupad ding curfew hours at liquor ban. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.