SSS, GSIS maglulunsad ng calamity loan package

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 05:56 PM | Updated as of Mar 25 2020 06:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maglulunsad ng calamity loan package ang Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) sa susunod ng linggo bunsod ng pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) sa buong bansa.

Ayon kay SSS Spokesperson Fernan Nicolas, puwedeng mag-apply online para sa calamity loan, kung saan maaaring umutang ng hanggang P20,000 depende sa buwanang kontribusyon.

Inabisuhan ni Nicolas ang mga miyembro na maghintay ng mga susunod na anunsiyo kaugnay sa calamity loan.

May dropbox ang SSS kung saan puwedeng iwan ng mga aplikante ang loan application pero puwede ring mag-apply online.

Maglulunsad din ng calamity o emergency loan na tig-P20,000 ang GSIS.

Kasalukuyang inaayos ang sistema sa calamity loan, na puwedeng ma-avail ng mga miyembro sa buong bansa, ayon kay GSIS Executive Vice President Nora Malubay.

Ayon kay Malubay, maaga ring makukuha ng mga pensiyonado ang kanilang benepisyo. Maaaring bago mag-Abril 8 umano makuha ang pensiyon.

Bukas ang mga kiosk ng GSIS para magproseso ng mga utang. Kailangang dumaan sa masusing paghuhugas ng kamay at sanitary requirements bago makagamit ng kiosks.

Itinigil naman ng pamunuan ng Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG Fund) ang drop box system nila at sa halip ay online na lang daw ang lahat ng online application.

Ito ay para maiwasan umano na magkahawahan ng sakit.

Puwede ring tumawag o mag-email sa Pag-IBIG Fund para sa karagdagang impormasyon.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.