Portable thermal scanner inimbento ng app developers

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 10:40 AM

Gumawa ng portable scanner ang isang grupo ng app developers upang makatulong sa frontliners sa laban kontra COVID-19. Kuha ni Dominic Sales

SANTIAGO CITY, Isabela—Gumawa ng portable thermal scanner ang isang grupo ng app developers para makatulong sa mga hakbang kontra COVID-19.

Ayon kay Dominic Sales, isa sa mga developers na tubong Cagayan, mapapagana ito sa mga smart phone gamit ang bluetooth at mobile application na tinagurian nilang SINAT o Smart, Intuitive, Non-contact Assessment and Triaging app.
 
Dagdag niya, nasa proseso na sila ng testing sa 2 device na kanilang nabuo gamit ang mga materyales gaya ng arduino micro-controller at thermal scanner sensor.

“Parang normal thermal scanner po natin. Pero 'yung ginagamit natin na commercial thermal scanner ang binibigay lang is analog value or mismong number na," ani Sales.

"So what we did, gumawa po kami ng thermal device na parang camera, ini-scan ang tao and lalabas 'yung thermometer value niya plus the thermal image po niya. If positive na may lagnat or high temperature 'yung na-scan, magsend ng notification sa nearest authorities."

Higit daw itong makatutulong para sa kaligtasan ng mga frontliner dahil hindi na nila kinakailangang lapitan ang isang indibidwal para masuri.

“Pwedeng 'yung device ay nakalagay lang sa tripod, tapos 'yung nagmomonitor ng temperature nasa medyo malayo, let's say 10 meters,” ani Sales.

Pero dahil sa Luzon lockdown, hindi magawang mapasuri ng grupo sa DOST Testing Center sa Taguig ang kanilang imbensiyon.

Naghahanap din sila ng maayos na enclosure o takip ng device, kaya umaasa ang grupo sa ayuda ng mga lokal na pamahalaan at iba pang maaaring makatulong para masimulan ang produksiyon ng portable thermal scanner.

Kabilang sa grupo na nakabase sa Metro Manila ay sina Ryan Ericson Gonzales Canlas, Michael Puzon, Mohammad Abdulla, John Robert Tubale, Von Payumo, Keith Eyvan Alvior Vaniza Dagangon at Claire Bayoda.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.