'Overpriced' thermal scanners nasabat sa CDO

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 01:41 AM

Mula sa Cagayan de Oro City Regulatory and Compliance Board

CAGAYAN DE ORO - Nasabat ng mga awtoridad nitong Martes ang higit 200 thermal scanner sa isang medical supplier sa Barangay Gusa, Cagayan de Oro City.

Ikinasa ng National Bureau of Investigation (NBI) at Food and Drug Administration (FDA) ang operasyon matapos mapag-alaman na walang certificate of product registration (CPR) ang mga ito.

Sa inilabas na advisory ng FDA, ipinagbabawal ang pagbebenta ng infrared thermometer kung walang CPR.

Wala ring maipakitang license to operate permit mula sa kaniyang supplier ang may-ari ng negosyo. Pinaniniwalaan ding overpriced ang mga ibinebentang thermal scanner.

"Ibinibenta ng supplier ang thermal scanner sa halagang P9,500 kada isa. Pero kung ikumpara natin sa prevailing price sa online shops, nasa P389 kada isa lamang ang parehong thermal scanner," ani Antonio Resma ng Cagayan de Oro City Regulatory and Compliance Board.

Tinatayang aabot sa P1.9 milyon ang halaga ng nakumpiskang thermal scanner.

"Legitimate siya na business operator. Nagsu-supply pa nga siya sa mga malalaking hospital sa lungsod at sa ibang bahagi ng rehiyon," dagdag ni Resma.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Consumer Act of the Philippines, Price Act, at Food and Drug Administration Act ang may-ari ng negosyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.