Mga punerarya sa Maynila na tatanggi sa bangkay dahil sa COVID-19 ipapasara: Isko

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 11:03 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipapasara ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga puneraryang hindi tatanggap ng mga patay na manggagalig sa mga ospital dahil sa pangamba sa coronavirus disease 2019, ayon sa alkalde ng Maynila na si Isko Moreno. 

Ayon kay Moreno, hindi dapat gawing dahilan ang banta ng COVID-19 para tanggihan ang mga bangkay na galing sa mga ospital. 

“Habang nagdadalamhati ang pamilya nila dala ay siya n’yong aabusuhin ang kanilang kalugmukan, huwag na huwag niyong gagawin yan sa panahong ito,” ayon kay Moreno. 

Kung may pangamba na serbisyuhan ang mga persons under investigation, dapat lang alamin ang protocols sa Department of Health sa pag-iingat ng kanilang mga tauhan. 

“Kung kayo ay may pangamba na sila ay PUI, alam niyo rin na may protocol na dapat sundin. Pinasok ninyo ang negosyo na iyan. Tuparin ninyo ang tungkulin niyo,” ani Moreno. Persons under investigation o PUI ang tawag sa mga minamanmanan kung mayroon silang sakit.

Nailatag na rin ang ilang protocol sa paglilibing sa mga sementeryo sa Maynila. 

Karo lang ang makakapasok sa sementeryo, at dapat naka-face mask ang mga makikilibing dito. 

—Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.