Koko Pimentel, ilan pang opisyal nagpositibo sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 03:23 PM | Updated as of Mar 25 2020 10:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) — Sinabi nitong Miyerkoles ni Sen. Aquilino "Koko" Pimentel III na positibo siya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon sa senador, Marso 14 nang una siya makaranas ng mga sintomas tulad ng lagnat, pananakit ng katawan, pero bago nito ay meron na siyang bahagyang sore throat at ubo.

Nakaranas din siya ng pabugso-bugsong diarrhea.

Marso 20 nang magpa-test ang senador sa sakit, at noong Martes ay lumabas ang resultang dinapuan nga siya ng COVID-19.

Kasabay nito, nanawagan ng dasal ang senador, lalo na sa kaniyang misis na kasalukuyang nanganganak.

"I would like to ask for your prayers, especially for my wife Kath, who is about to give birth in the next few days to our first baby girl, and with whom I cannot be at this very important point in our lives as parents," ani Pimentel.

Sinubukan na daw ng senador na kontakin ang mga nakasalamuha niya. Kasalukuyan nang naka-quarantine si Pimentel.

"Now body is back to normal with the usual aches felt even without the flu... I feel I am, with God’s help, on the way to recovery," sabi niya.

BATIKOS

Pero binatikos ng Makati Medical Center (MMC) ang senador dahil umano sa paglabag nito sa protocol ng ospital matapos nitong samahan ang misis sa pagamutan kahit isa na siyang person under investigation.

Ayon sa pahayag ni MMC Medical Director Saturnino Javier, iresponsable ang ginawi ni Pimentel dahil na-expose ang kanilang mga tauhan sa virus.

"By being in MMC, Senator Pimentel violated his home quarantine protocol, entered the premises of the MMC-DR, thus unduly exposed healthcare workers to possible infection. As a result, a number of our nurses and doctors may need to be quarantined which will further deplete the dwindling workforce of the hospital," sabi ni Javier.

Dahil umano sa kapabayaan ni Pimentel, posibleng mabawasan ang kanilang mga tauhan dahil maaaring kailanganin ng mga itong i-quarantine.

"We denounce the irresponsible and reckless action of the senator. He added to the burden of a hospital trying to respond in its most competent and aggressive manner to cope with the daunting challenges of this COVID-19 outbreak," ani Javier.

Ayon naman sa senador, hindi maiiwasan ang ganitong pangyayari lalo na sa isang "hospital setting."

"I'm sorry that it happened pero it's a hospital scenario," aniya.

Si Pimentel na ang ikalawang senador na nagpositibo sa sakit.

Noong Marso 16, kinumpirma ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na meron siyang COVID-19.

MAMBABATAS POSITIBO SA COVID-19

Isa namang mambabatas sa Kamara ang nagpositibo rin sa virus. Kinumpirma ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Go Yap nitong Miyerkoles na dinapuan siya ng COVID-19.

Ayon kay Yap, Marso 14 nang magpa-test siya sa COVID-19. Pero kahit pa naghihintay na ng resulta, tuloy pa rin ang mambabatas sa pakikisalamuha.

Katunayan, dumalo pa ito sa mga pagpupulong sa Palasyo at Kamara bago lumabas ang kaniyang resulta.

Humingi ng tawad sa mga nakasalamuha niya na maaaring nakompromiso ang kalusugan.

"Humihingi ako ng patawad at pag-unawa mula sa mga taong nakasalamuha ko. I was paranoid dahil may kaunting ubo akong naramdaman but I felt it was normal for me," sabi ni Yap.

NAIC MAYOR MAY COVID-19

Samantala, nagpositbo rin sa COVID-19 ang alkalde ng isang bayan sa Cavite.

Ayon kay Naic Mayor Junio Dualan, napagdesisyunan niyang sumailalim sa COVID-19 test matapos mapag-alaman na nagpositibo sa virus si Baliuag, Bulacan Mayor Ferdie Estrella, na nakahalubilo niya.

Isinailalim agad ni Dualan ang sarili sa mandatory self-quarantine at nagpa-swab test noong Marso 18.

Martes ay lumabas ang resulta at kumpirmado na positibo ito sa sakit.

Nagsasagawa na ng contact tracing ang mga awtoridad para malaman kung sino-sino ang mga nakasalamuha ng alkalde.

Sa huling ulat ng Department of Health, 636 na ang dinapuan ng COVID-19 sa Pilipinas, 26 ang nakarekober, habang 38 naman ang nasawi.

—Ulat nina Katrina Domingo, Fred Cipres, at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.