Isolation tents, hotlines: Pasay handang alagaan ang mga residenteng COVID-19 PUI

Angel Movido, ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 01:28 PM | Updated as of Mar 25 2020 01:59 PM

Handa ang lokal na pamahalaan ng Pasay City na alagaan ang mga residente nitong pinaghihinalaang nahawahan ng coronavirus disease (COVID-19), sabi ni Mayor Imelda Calixto-Rubiano.

Nagtalaga ang local government unit (LGU) ng isolation units sa pamamagitan ng modular tents sa Pasay City Sports Complex, na kayang tumanggap ng 24 pasyente, at Padre Burgos Elementary School, na kayang kumalinga sa 9 na tao, ayon kay Rubiano.

Ang isolation units sa sports complex at paaralan ay dagdag lamang sakaling hindi na kayanin ng mga ospital sa lungsod na tumanggap ng mga PUI.

Tatanggapin lamang sa isolation units ang mga kikilalaning persons under investigation (PUI) ng Pasay City General Hospital, sabi ng alkalde.

Nag-set up din ang Pasay LGU ng 24-hour COVID-19 hotlines at tele-medical consultation.

Hinikayat ni Rubiano ang mga taga-Pasay na dumulog sa hotlines sakaling makaramdam ng sintomas ng COVID-19 o may kakilalang hinihinalang PUI.

Narito ang mga numero sa hotline numbers:

  • 09567786524
  • 09089937024
  • 09776907378
  • 09616282934

Para naman sa tele-medical consultation, puwedeng tawagan ng mga taga-Pasay ang mga sumusunod na numero mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon:

  • Dr Elvira Lagrosa Health Center (Pasay City Sports Complex) - 88063197
  • Kalayaan Health Center (Kalayaan Village) - 88223694
  • Malibay Health Center (Malibay Plaza) - 86689729
  • Dona Nena Health Center (Aurora Boulevard) - 88004437
  • M. Dela Cruz Health Center (Pasay Boulevard) - 73583997

Muli namang nagpaalala si Rubiano sa mga residente na pinapayagan lang ang pagbili sa mga palengke o talipapa mula alas-6 ng umaga hanggang alas-11 ng umaga, at alas-4 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.

Noong Martes, nakapagtala ang Pasay City ng 7 pasyenteng positibo sa COVID-19, 41 persons under monitoring, at 38 persons under investigation.

Sa buong bansa, umabot na sa lagpas 500 ang bilang ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19, base sa huling tala ng Department of Health.

Isinailalim ng gobyerno sa enhanced community quarantine, kung saan mahigpit na ipinapatupad ang pananatili sa loob ng mga bahay, ang buong Luzon para mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.