Ilang kalsada papasok sa Roxas City, isinara kontra COVID-19

Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 12:48 AM

Kuha ni Jackie Berdugo

Tinambakan ng lupa ang mga alternatibong kalsada papasok sa Roxas City, Capiz nitong Martes, bilang paghihigpit sa border restriction ng lungsod.

Sa pahayag ni Roxas City Mayor Ronnie Dadivas sa kanyang social media account, isang paraan ito upang masiguro na hindi basta-basta makakapasok ang sinuman, lalo na ang mga persons under monitoring at persons under investigation sa sakit na coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Hindi naman naiwasan ang ilang reklamo dahil sa pagpapasara ng mga alternatibong kalsada.

Dagdag ni Dadivas, bukas naman ang mga pangunahing kalsada sa lungsod at may mga nakabantay na mga pulis at frontliners upang masiguro na matitignan ang mga pumapasok sa Roxas City.

Isinailalim na rin sa state of calamity ang lungsod matapos itong maaprubahan sa special session ng Sangguniang Panlungsod ng Roxas City. Maaari na nilang gamitin ang calamity fund sa mga pangangailangan na gamit para sa krisis bunsod ng COVID-19 pandemic.

Sa huling tala ng Department of Health, pumalo na sa 552 ang kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan 35 na ang namatay at 20 ang gumaling na.-Ulat ni Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.