Hepe ng pulis sa Agusan del Norte, tiklo sa pangingikil umano

Lorilly Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 12:37 AM

BUENAVISTA, Agusan del Norte - Tiklo ang hepe ng pulisya sa bayan ng Buenavista nitong Martes ng hapon matapos umanong mangikil sa isang grupo ng mga furniture seller, ayon sa mga awtoridad.

Inaresto si Police Capt. Junil Gultiano, hepe ng Buenavista Agusan del Norte Municipal Police Station, ng Integrity Monitoring Enforcement Group (IMEG) matapos umanong humingi ng P500 mula sa mga miyembro ng Buenavista Furniture Association para walang hadlang sa kanilang operasyon. 

May dagdag na P5 per board feet umano para sa bawat kahoy na maibenta ng grupo.

Dito na nagsagawa ng entrapment operation ang Integrity Monitoring Enforcement Group (IMEG) sa loob ng istasyon ng pulis, kung saan tinanggap ng suspek ang P1,000 mula sa complainant.

Mahaharap si Gultiano sa kasong paglabag sa Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at Republic Act No. 6713 (an Act Establishing a Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees).