Doktor na kinidnap ng Abu Sayyaf, na-rescue sa Sulu

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 11:30 AM

INDANAN, Sulu - Na-rescue ang isang doktor na na-kidnap umano ng Abu Sayyaf, dalawang buwan mula nang siya ay bihagin ng teroristang grupo, sabi ng mga opisyal, Miyerkoles.

Na-rescue ng mga awtoridad si Dr. Daniel Moreno Martes ng gabi, sabi ni Major General Corleto Vinluan, commander ng Joint Task Force Sulu at 11th Infantry Division.

Ayon sa opisyal, nakatanggap ang militar ng tip na nagtitipon ang ilang terorista sa barangay Bangalan at nang puntahan nila ito ay nagkaroon ng barilan na tumagal ng 5 minuto.

Kinalaunan ay umatras ang mga bandido at iniwan ang bihag na doktor, sabi ni Vinluan.

Hindi man nagtamo ng mga sugat ang doktor, dinala pa rin siya sa isang military hospital sa Jolo upang suriin ang kalagayan.

Kinidnap ng Abu Sayyaf ang doktor noong Pebrero 4 sa barangay Walled City sa Jolo.

Iniimbistegahan ng mga awtoridad kung nagbayad ng ransom ang pamilya ni Moreno sa mga kidnapper.

Samantala, 5 Indonesian na mangingisda ang hawak pa ng Abu Sayyaf sa Sulu. Ang mga lalaki ay dinukot noong Enero habang nangingisda sa isang bahagi ng Sabah.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.