Doktor na dawit sa 'overpriced' na pagbebenta ng donasyong thermal scanner tiklo: NBI

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 04:11 PM | Updated as of Mar 25 2020 06:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Arestado ang isang doktor na umano'y nagbebenta ng overpriced na thermal scanners na nai-donate sa kaniya sa Quezon City. 

Ayon kay Justice spokesman Markk Perete, dinampot ng National Bureau of Investigation - Special Action Unit ang hindi na muna pinangalanang medical doctor matapos madiskubre ang pagbebenta nito ng thermal scanner sa halagang P9,500 kada piraso. 

Nagkakahalaga lamang dapat ang nasabing mga thermal sanners ng mula P500 hanggang P3,000 bawat piraso, ayon sa NBI. 

Nadiskubre ng NBI na ang naturang thermal scanners ay sinasabing donasyon lamang sa suspek, na nagpakilala umanong presidente ng isang non-government organization sa New Manila.

Dinala na sa NBI main office sa Maynila ang suspek para sa booking procedures at dadalhin sa Quezon City Prosecutor's office para maisalang sa inquest ngayong araw.

Mahaharap sa kasong profiteering at hoarding ang nasabing doktor, ayon sa NBI.  -- May ulat nina Johnson Manabat at Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.