COVID-19 cases sa Pilipinas umakyat sa 636

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 05:09 PM | Updated as of Mar 25 2020 07:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Pumalo na sa 636 ang bilang ng mga taong may coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas matapos makapagtala ng 84 bagong kaso, sabi ngayong Miyerkoles ng Department of Health (DOH).

Iniulat din ng DOH na may 6 bagong gumaling kaya umakyat sa 26 ang kabuuang bilang ng mga gumagaling sa sakit.

Tatlong tao naman ang pumanaw kaya nasa 38 na ang bilang ng mga binabawian ng buhay bunsod ng sakit, ayon sa DOH.

Kabilang sa mga bagong naiulat na nasawi ang dalawang lalaki -- isang 56 anyos mula Quezon City at isang 57 anyos na taga-Caloocan -- at isang 82 anyos na babae mula Marikina City.

Watch more in iWant or TFC.tv

KARAGDAGANG HEALTH WORKERS PINAG-AARALAN

Dahil sa patuloy na dumaraming nagpopositibo ng COVID-19 sa bansa, may mga ospital, partikular sa Metro Manila kung nasaan ang pinakamaraming kaso, nang nag-anunsiyo na hindi na muna sila tatanggap ng mga nahawahan ng sakit.

Pinag-aaralan na ng DOH ang pagtalaga ng karagdagang health workers lalo at hindi biro ang pag-alaga sa mga tinatamaan ng COVID-19.

"Tinatapos lang namin 'yong policy position," ani Health Secretary Francisco Duque III.

"May kapangyarihan ang kalihim ng kalusugan sa panahon ng emergency na atasan ang underboards... baka puwedeng pabalikin muna sa kanilang base hospital, ilagay din sila sa affiliate hospitals," dagdag ni Duque.

Hinikayat naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang publiko na magsuot ng pulang arm band bilang pagpapakita ng suporta sa health care workers.

"This is a sign of our support... especially for the doctors who have died and health workers who continue to fight and care for the patients here in the Philippines," ani Vergeire.

Nakiusap din si Duque sa publiko na iwasan ang diskriminasyon laban sa mga health worker matapos makatanggap ng mga ulat ukol dito.

"'Yan pong mga 'yan ay mga tapat na naglilingkod sa taumbayan," anang kalihim.

"Kahit alam nilang may kapahamakan sa kanila, hindi nila pinapansin 'yan dahil ang gusto nila ay makapagpagaling ng pasyente," dagdag ni Duque.

Delikado ang COVID-19 sa matatanda, may mahihinang resistensiya, at may underlying medical condition pero 80 porsiyento ng mga kaso sa buong mundo ang nagpakita ng mataas na tsansa ng paggaling, ayon sa World Health Organization.

Isinailalim ng gobyerno ang Luzon sa lockdown para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19. Kanya-kanyang pagpapatupad din ng mga hakbang ang mga pamahalaang lokal sa Visayas at Mindanao bilang pag-iingat sa sakit. -- May ulat nina Kristine Sabillo at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.