COVID-19 bayanihan: Mga pulis na naghahanap ng hapunan pinakain ng pamilya sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 01:50 PM

MAYNILA - Bilang pasasalamat sa mga frontliner na lumalaban sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) napag-isipan ng isang pamilya sa Makati na ayain ang apat na pulis sa Makati City na makikain sa kanila ng hapunan. 

 

Sa kuha ng mga retrato ni Bayan Patroller Royce Tendenilla, makikita ang apat na bantay-checkpoint na kasabay nilang kumain sa hapag-kainan bandang alas-7 ng gabi ng Lunes sa Barangay La Paz. 

Kuwento ni Tendenilla, pasarado na ang kanilang canteen nang dumating ang mga nasabing pulis na naghahanap ng makakainan. 

Dahil dito, inaya na lamang sila ng kaniyang tatay na sumabay sa kanila na kumain ng hapunan sa loob mismo ng kanilang bahay. 

"May dumaang isang group ng pulis naghahanap ng makakainan e pasarado na ung canteen namin nung time na dumaan sila kaya sabi ni papa sumabay nalang sila samin kumain," kuwento ni Tendenilla sa kaniyang Facebook account. 

Nagsalu-salo sila sa ulam na gulay na isda. 

Ayon kay Tendenilla, ito raw ang munting pasasalamat nila para sa frontliners sa kanilang lugar. 

Nag-viral sa social media ang post ni Tendenilla, na ngayong may 62,000 reactions sa Facebook. 

Nakapalibot sa ngayon ang mga pulisya sa iba’t ibang checkpoint, kasabay ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa buong Luzon. 

Sa ilalim nito, bawal ang paglabas-pasok sa bahay maliban na lang kung bibili o mag-lilipat ng mga pagkain at iba pang pangunahing bilihin. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.