'Contactless delivery' pinatutupad ng ilang food delivery companies

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 04:21 PM | Updated as of Mar 25 2020 06:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mula nang mag-lockdown sa Luzon noong Marso 17 para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19), mas marami nang umaasa ngayon sa home delivery ng mga pagkain, gamot o grocery dahil hindi makalabas o lumalabas ng bahay.

Halos walang tigil tuloy ang biyahe ng mga GrabFood driver gaya ni John Mark Paulo.

Ayon kay Paulo, bagaman nakakatakot ang banta ng COVID-19, tuloy pa rin siya sa pagtrabaho dahil sa pamilyang kaniyang binubuhay.

Tulad ni Paulo, nangangamba rin ang FoodPanda rider na si Renan Sumalpong.

Pero may mga kliyente umano si Sumalpong na nagpaparamdam sa kaniya kung gaano siya kahalaga ngayon sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng tip at mga pagkain.

Doble-ingat na lang daw sina Paulo at Sumalpong sa paglilinis ng kanilang mga katawan o pag-iwas para hindi malagay sa panganib ang pamilyang inuuwian pagkatapos ng biyahe.

May mga panuntunang inilabas ang app-based delivery service companies tulad ng Grab at FoodPanda para matiyak na kapuwa ligtas ang kanilang riders at mga kliyente.

Contact-less delivery ang tawag sa serbisyo kung saan iniiwan sa labas ng bahay o reception ng building ang order. Ime-message na lang ng rider ang kliyente kung naroon na ang pagkain.

Iminumungkahi na rin na credit card na lang ang gamiting pambayad o kaya iwan ang pera sa loob ng envelope.

Pinapayuhan din ang mga rider na maghugas parati ng kamay gamit ang tubig, sabon, at alcohol, at magsuot ng face mask.

-- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.