Chinese General Hospital di na muna tatanggap ng COVID-19 patients

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 03:47 PM | Updated as of Mar 25 2020 04:09 PM

Nag-abiso ang pamunuan ng Chinese General Hospital and Medical Center sa Maynila na hindi na muna sila tatanggap ng mga pasyenteng positibo at pinaghihinalaang may coronavirus disease (COVID-19).

Sa advisory na pinirmahan ng medical director na si Samuel Ang at president na si James Dy, sinabing puno na ang itinalagang COVID-19 ward ng ospital kaya hindi na muna sila tatanggap ng mga nagpositibo sa sakit at mga patient under investigation.

Malaki na raw ang nabawas sa health care team ng ospital, at wala rin silang sapat na COVID-19 test kits at personal protective equipment.

Ipinayo ng Chinese General Hospital sa COVID-19 patients na magtungo na lang sa mga itinalagang COVID-19 hospital.

Mananatili namang bukas ang emergency room ng ospital para sa ibang kaso.

Sa tala noong Martes, 7 taong nagpositibo sa COVID-19 ang naka-confine sa Chinese General Hospital.

Bukod sa Chinese General Hospital, may iba ring mga ospital sa Metro Manila ang nagsabing hindi na nila kayang tumanggap ng COVID-19 patients. -- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.