Barangay chairman sa Lanao del Sur, arestado sa pagbebenta ng quarantine pass

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 08:04 PM

Arestado ang barangay chairman ng Mantapoli sa bayan ng Marantao, Lanao del Sur dahil sa pagbebenta ng pass sa gitna ng quarantine dahil sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Kinasuhan na ng robbery at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act si Cassar Abinal. 

Inaresto si Abinal noong Marso 22 matapos isumbong na naniningil ng P20 sa mga residenteng kumukuha ng quarantine pass.

Inamin ni Abinal na naniningil nga sila.
Nakapaskil sa labas ng barangay hall na ang babayaran ay para sa ink at papel na ginamit sa paggawa ng quarantine pass.

Nakakuha rin ang pulisya ng listahan ng mga residenteng nakapagbayad na.

Dahil dito, ang mga mayor na ng siyudad at mga munisipyo ang inatasan ngayon na gumawa at magbigay ng quarantine pass sa kanilang mga nasasakupan.

Nagpaalala naman sa mga residente si Police Col. Madzganie Mukaram, ang provincial director sa Lanao del Sur Police Provincial Office, na libre at hindi dapat ibinebenta ang quarantine pass.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.