Bangkay ng lalaki natagpuan sa loob ng minamanehong tricycle sa Negros Occidental

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 08:10 PM

Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa loob ng minamaneho nitong tricycle sa Talisay City, Negros Occidental.

Ayon sa mga residente ng Sitio Cabakan sa Barangay Cabatangan, may narinig silang mga putok ng baril sa lugar Martes ng hapon.

Nang magimbestiga ang Talisay City Police, nakita nila ang bangkay ni Leonardo Bego sa mismong tricycle nito na nasa gitna ng mga kakahuyan sa Sitio Cabatangan.

May mga tama ng bala ng baril sa mukha at iba pang bahagi ng katawan si Bego.

Dalawang basiyo naman ng bala ng caliber .45 pistol ang nakuha ng mga pulis sa crime scene.

Ayon kay Major Jigger Jimeno, inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang nasa likod ng krimen.


Wala naman umanong kaaway si Bego, base sa kwento ng pamilya nito, ayon sa mga pulis. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.