ALAMIN: Ilang paparusahan sa inaprubahang 'special powers' ni Duterte vs COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 01:04 PM | Updated as of Mar 25 2020 07:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Pagkakakulong at multa ang maaaring harapin ng mga masasangkot sa pagkalat ng mapaglinlang na balita, at ang pagpatong nang mataas na presyo sa medical supplies at pagkain ngayong may banta sa COVID-19. 

Batay ito sa kalalagda lamang na batas na nagbibigay ng dagdag-awtoridad kay Pangulong Rodrigo Duterte para mapigilan ang pagkalat ng nasabing sakit. 

Sa ilalim ng "Bayanihan to Heal as One Act," maaaring maharap sa multang P10,000 hanggang P1 milyong at 2 buwang pagkakakulong ang sino mang lalabag sa mga probisyon nito. 

PAGKALAT NG MALING IMPORMASYON, SCAMS 

Kasama rito ang mga pasimuno at nagpapalaganap ng peke at mapaglinlang na impormasyon sa social media at iba pang platforms tungkol sa sa kit, alinsunod sa Section 6 ng kalalagda lang na batas. 

"Individuals or groups creating, perpetrating, or spreading false information regarding the COVID-19 crisis on social media and other platforms [will be penalized]" ayon sa nasabing batas. 

Paparusahan din ang mga mananamantala umano sa krisis sa COVID-19 para bumuo ng mga online scam. 

"[This also penalizes] those participating in cyber incidents that make use or take advantage of the current crisis situation to prey on the public through scams, phishing, fraudulent emails, or other similar acts," dagdag ng batas. 

HOARDING, PROFITEERING

Kasabay ng pagdami ng mga nagpapatong nang mataas na presyo sa mga disinfectant at face mask, paparusahan din ang mga mananamantala ng krisis sa COVID-19 para manipulahin ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado. 

"Engaging in hoarding, profiteering, injurious speculations, manipulation of prices, product deceptions and cartels, monopolies or other combinations in restraint of trade [will be penalized]," ayon sa batas. 

Noon nang pinaparusahan ang mga nabanggit sa Price Act kung saan tahasang pinaparusahan ang profiteering, hoarding, at pag-manipula ng presyo sa pamilihan. 

Kasalukuyang naka-price freeze ang mga bilihin sa merkado ngayong idineklara ang "State of Calamity" sa buong bansa dahil sa COVID-19. 

'PASAWAY' NA LGUS, HEALTH FACILITIES 

Paparusahan din ayon sa batas ang mga lokal na pamahalaan , maging ang mga may-ari ng mga pribadong ospital at iba pang pasilidad na lalabag sa mga patakaran ng national government. 

Gayundin ang mga pipigil sa maayos na access sa mga kalsada, mga magsasagawa ng road obstruction at illegal constructions.

Sa ilalim ng bagong batas, binibigyan din ng ayuda ang mga health worker na haharap sa nasabing sakit. 

Magiging epektibo ang batas na ito sa loob ng 3 buwan matapos ang publication nito sa mga pahayagan.

Maaari itong iextend ng Kongreso o di kaya paikliin ang effectivity sa pamamagitan ng concurrent resolution ng Kongreso o nang isang Presidential Proclamation.

Sa huling ulat ng Department of Health magmula Martes, 552 na ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, at 35 dito ang namatay.

-- May ulat nina Joyce Balancio at Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.