3 arestado sa pagbebenta ng overpriced alcohol sa Bacolod

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 01:48 AM

Inaresto ang 3 empleyado ng isang tindahan ng skin care products at beauty enhancers sa pagbebenta ng overpriced alcohol matapos ang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Bacolod City nitong Lunes.
 
Ayon sa Department of Trade and Industry, ang isang 250ml bottle ng alcohol ay may price ceiling na P41 pero binibenta ito ng P90 sa naturang tindahan.

Ang overpricing ang isang paglabag sa Republic Act 7581 o ang Price Act.

"Alam naman natin na hirap ang sitwasyon natin ngayon tapos may ganyan pa nagte-take advantage, sobrang hirap, may scarcity pa ata ng mga alcohol, sanitizer at kung ano-ano pa," ani Atty. Renoir Baldivino, NBI Bacolod agent-in-charge.

Isasailalim din ng NBI sa laborary testing ang nakumpiskang mga alcohol upang masigurong 70 percent ang alcohol content nito dahil kung hindi mahaharap sa iba pang kaso ang mga suspek.

"If it is less than the alcohol content na may standard di ba, 70 percent solution yan as claimed doon sa label nila 70 percent ethyl alcohol if it is less than that, that is another violation," ani Baldivino.

Hindi nagpa-interview ang mga suspek sa harap ng camera pero sinabi nila sa ABS-CBN News na ang mga reseller ng kanilang produkto ang gumagawa ng overpricing sa ibang lugar kaya't inosente sila sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.