2 karagdagang kaso ng COVID-19, naitala sa Soccsksargen region

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 09:21 PM | Updated as of Mar 25 2020 11:25 PM

TACURONG CITY - Tatlo na ang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Soccsksargen region, batay sa inilabas na press release ng Center for Health Development ng Department of Health sa rehiyon, matapos na lumabas ang pinakabagong resulta ng pagsusuri.

Ang dalawang nadagdag sa listahan ng nagpositibo sa sakit ay isang 68 anyos na babae sa Cotabato City na bumiyahe galing sa Maynila at dumating sa Cotabato City noong March 12.

Nakasaad sa pahayag ng ahensya na nasa stable na kondisyon na ang pasyente at nasa istriktong home quarantine.

Ang isa pang nagpositibo ay ang 87 anyos na lalaki mula sa Sultan Kudarat. Pero bago pa dumating ang resulta ng pagsusuri, pumanaw na ito noong March 14. Mula siya sa isang bayan sa lalawigan at naospital sa Tacurong City. 

Nagsasagawa na ng contact tracing ang Provincial Health Office ng lalawigan at ang Tacurong City.

Nasa ilalim na ngayon ng enhanced community quarantine ang syudad. Sinuspinde na ng lokal na pamahalaan ang public transportation, ayon kay Tacurong City Mayor Angelo Montilla. 

Pinagbawalan na ang mga residente na lumabas ng bahay nang walang quarantine pass. Ang mga may pass ay dapat bumili lang ng pagkain, gamot at iba pang mga pangangailangan. Ganoon din ang mga essential workers gaya ng mga nasa medical facilities, groceries, palengke, botika, factories at iba pa.

Pinapapasok din ang mga delivery trucks, lalo na ang mga may dalang pagkain, mga ambulansya, at iba pang may mahahalagang biyahe.

Siniguro naman ng local na pamahalaan na sapat ang suplay ng ibibigay nilang tulong sa mga naghihirap na pamilya at iba pang mga pamilyang apektado ng COVID 19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.