10 timbog sa pagbebenta ng overpriced medical supplies sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 02:35 PM | Updated as of Mar 25 2020 06:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sampung tao ang naaresto sa magkakahiwalay na entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group laban sa mga nagbebenta ng overpriced na medical supplies sa Cavite mula noong gabi ng Martes.

Sa bayan ng Carmona, 7 ang naaresto sa Barangay Maduya matapos makuhanan ng kahon-kahong face masks na nagkakahalagang P1.4 milyon.

Ibinebenta umano ang kada kahon sa halagang P1,500.

Kasama sa mga naaresto ang isang Chinese-Filipino at isang Malaysian na nagsisilbing supplier ng mga suspek.

Sa bayan ng Tanza, arestado ang isang nagpakilalang reporter ng lokal na dyaryo dahil sa pagbebenta ng alcohol sa halagang P250 kada litro.

Timbog naman sa Bacoor City ang isang kinilalang Red Elefan.

Nakumpiska sa suspek ang 50 gallon ng alcohol na ibinebenta sa halagang P750 kada gallon.

Gamit umano ng suspek ang kotseng nilagyan ng karatulang may salitang "media" para makalusot siya sa checkpoint.

Itinuro naman ni Elefan ang kaniyang supplier na si Annalyn Ramirez, na naaresto sa operasyon sa General Trias City.

Nakuha ng CIDG kay Ramirez ang nasa 200 gallons ng alcohol na ibinebenta sa halagang P650 kada gallon.

Inaalam na ngayon ng mga awtoridad kung saan nakuha ng mga suspek ang kanilang mga produkto.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Price Act, Consumer Act of the Philippines, at Food and Drug Administration Act. -- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.