Pulis idinawit sa droga ang adviser ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2019 08:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsalita ang isang dating opisyal ng kapulisan na isinangkot sa droga noong isang taon ni Pangulong Rodrigo Duterte at itinuro ang isa sa mga alyado ng pangulo na siya umanong sangkot sa droga.

Noong 2018, isinangkot ni Duterte si Police Col. Eduardo Acierto sa umano ay pagpuslit ng higit P4 bilyon halaga ng shabu gamit ang mga magnetic lifter.

Pero ayon kay Acierto, na-set up lang siya dahil sa kaniyang report noong 2017 kung saan sangkot sa ilegal na droga ang malapit na kaibigan ng pangulo na si Presidential Economic Adviser Michael Yang.

Sa kaniyang report kay dating Philippine National Police (PNP) chief Ronald "Bato" Dela Rosa, sa pumalit kay Dela Rosa na si Gen. Oscar Albayalde, at dating NCRPO chief Camilo Cascolan, tinukoy ni Acierto si Yang at isang Allan Lim na nasa likod ng natuklasan nilang malaking shabu laboratory sa Davao noong 2004.

"Si Michael Yang, based doon sa report na isinabmit ko sa kanila, involved siya doon sa pag-establish ng clandestine shabu laboratory sa Davao City na nahuli rin namin, na nalansag namin noong December 31, 2004," ani Acierto.

"Ang report is siya ang tumanggap, siya ang nag-facilitate ng dalawang 20-footer container van na galing ng Cotabato City at dinala sa Davao City," aniya.

Ayon kay Acierto, kinumpirma ito ng isang asset sa sindikato na tinawag niyang "Panther."

Si Yang ay kilala ring negosyante sa Davao.

Ayon pa kay Acierto, bukod kina Dela Rosa at Albayalde, binigyan din niya ng report si Philippine Drug Enforcement Agency Director General Aaron Aquino.

"Alam ko naman na hawak na nila 'yong aking mga report so hindi ko alam kung na-sanitize ba ni, na-sanitize ba noong nakapaligid kay presidente 'yong report o iba 'yong report na dumating kay presidente," ani Acierto.

Sa isang text message, kinumpirma ni Cascolan na natanggap niya ang report ni Acierto at ipinasa ito kay Dela Rosa.

Hindi naman maalala ni Albayalde kung kailan binigay ang report.

"Kung mayroon talagang binigay na report sa akin, lalong-lalo na kung intelligence report 'yan, of course dapat pupunta sa Directorate for Intelligence 'yan for validation. Ngayon kung 'yong sinasabi niya is an actionable information, dapat being him as member or being him as the deputy ng PDEG (PNP Drug Enforcement Group) noon, he should have acted on it already," ani Albayalde.

"Kung talagang confirmed 'yong kaniyang information, dapat ginawan na niya ng active police operation," dagdag ni Albayalde.

Ipinaliwanag naman ni Dela Rosa na inatasan niya si Acierto na mangalap ng katibayan laban kay Yang.

"Dapat you develop that information, mag-build up tayo ng kaso diyan at huwag niyo pabayaan dahil hindi dapat tayo papayag na masisira 'yong presidente, na may isang taong suspected na involved sa drugs tapos nakadikit kay presidente," ani Dela Rosa.

Inamin din ni Aquino na nakatanggap siya ng kopya ng report at ipinarating ito sa tanggapan ni dating Special Assistant to the President Christopher "Bong" Go.

"Nagawan ko ng paraan para maparating doon," ani Aquino.

"Parang nakarating naman si presidente kasi sometime October, parang nagbigay siya ng statement about Michael Yang na 'pag involved si Michael Yang ay talagang ibabaon niya si Michael Yang," ani Aquino.

Iginiit naman ng Malacañang na walang nakitang katibayan laban kay Yang.

"'Di ba na-clarify na 'yan? Even the ambassador has cleared Michael Yang," ani Panelo.

"I don't think Michael Yang was ever involved. Otherwise nasa listahan na 'yan or may kaso na 'yan," ani Panelo.

Noong Oktubre 4, 2018, mismong si Duterte ang nagsabing walang kinalaman sa droga si Yang.

Nabanggit pa ng pangulo ang pangalan ni Acierto.

Humingi ng tulong si Acierto sa isang religious group dahil may plano umanong ipaligpit siya sa halagang P15 milyon.

Handa raw si Acierto sa ano mang mangyari sa kaniya.

-- Ulat ni Henry Omaga Diaz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.