Motorsiklo sumabog sa Tagum City, 8 sugatan

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2019 05:37 PM

TAGUM CITY - Nagulat ang mga residente na naninirahan malapit sa peryahan sa Tagum City Public Market matapos makarinig ng pagsabog nitong Sabado ng gabi.

Ayon sa mga residente, maraming tao na nag-iinuman sa lugar nang mangyari ang insidente.

"Nagising ako kasi ang ingay na tapos ang lakas ng pagsabog narinig talaga lahat ng tao," ani Virginia Berdad, isang residente.

Ayon sa Tagum City Police, halos puro sa paa ang sugat ng 8 tao na nag-iinuman sa lugar kabilang na ang isang menor de edad.

Sa imbestigasyon, bigla lang sumabog ang nakaparadang motorsiklo na pagmamay-ari ni Ryan Cadaro.

"Baka may 'di nagkatugma na wiring doon sa single motorcycle na nagresulta doon sa explosion," paliwanag ni Police Captain Anjanette Tirador ng Tagum City Police.

Una nang ikinalat sa publiko na bomba ang sumabog kaya paalala ng mga awtoridad na huwag magpakalat ng maling impormasyon lalo na sa social media.

"That was mechanical explosion ng motorcycle, hindi bomba. Hintayin natin ang result ng investigation kasi in fact pumunta ang EOD at K-9 but it is negative," dagdag pa ni Tirador.

Pinag-aaralan na ng Tagum City Police ang pagsampa ng kaso laban sa unang nagpakalat ng maling impormasyon sa social media.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.