PatrolPH

3 drug suspect patay sa barilan sa San Jose Del Monte City

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2019 02:40 PM

Napatay nitong madaling araw ng Lunes ang 3 drug suspect sa San Jose Del Monte City, Bulacan matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis. 

Kinilala ng pulisya ang 2 sa mga nasawi bilang sina Jeffrey Villarey at Arvin Lope. Wala pang pagkakakilanlan ang isa pang lalaking kasama nila.

Sakay ng 2 motorsiklo ang tatlo nang makatransaksiyon ng mga pulis sa buy-bust operation sa Barangay Minuyan Proper alas-2 ng madaling araw, ayon kay Police Capt. Edwin Carranza.

Pare-parehong naglabas ng kalibre .38 na baril ang mga suspek nang matunugang pulis ang mga katransaskyion, dahilan para magpaputok din ang mga pulis ng mga baril, ani Carranza.

Matagal nang target sina Villarey at Lope matapos isumbong sa mga awtoridad na nagpapakalat ng droga sa barangay, ayon sa pulisya. 

Narekober sa tatlo ang 16 na sachet ng hinihinalang shabu.

Iniimbestigahan din kung galing sa nakaw ang mga motorsiklo na walang plaka.

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.