Suspek sa panloloob sa hotel sa Pasay, arestado sa buy-bust

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2018 07:48 AM

MANILA - Sa kulungan ang bagsak ng tatlong tao, kabilang ang isang suspek sa pagnanakaw sa isang hotel sa Pasay City, sa buy-bust operation ng pulisya sa Marikina City Sabado ng gabi.

Nagkasa ng operasyon ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Marikina PNP laban kay Rene Cachila, 24 anyos, na residente ng Brgy. Nangka.

Bukod kay Cachila, naaresto din ang dalawa pang suspek na kapwa nakatira sa bahay ng target at nakuhanan ng limang sachet ng hinihinalang shabu.

Ayon sa Marikina PNP, umamin si Cachila na kasama siya sa armadong grupong nanloob sa Mabuhay Manor Hotel noong January 2 kung saan nakatangay ang grupo ng mahigit P4 milyon.

Itinuro rin niya ang isang Ramoncito Calilap bilang mastermind ng panloloob, na una nang naaresto ng pulisya noong nakaraang linggo dahil naman sa pagbebenta ng baril.

Dinala na sa Eastern Police District ang tatlong suspek upang sumailalim sa drug test.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.