Pagsasanay at job matching, ibinigay para sa mga PWD

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2018 01:08 PM | Updated as of Mar 25 2018 06:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi naging hadlang ang autism para sa 22 anyos na si Ramil Vizmonte para makapagtapos ng pag-aaral at makakuha ng trabaho.

Kasalukuyang pumapasok sa Department of Trade and Industry (DTI) si Vizmonte, na nagtapos ng kursong computer technology, bilang administrative aide. Kabilang sa kaniyang mga tungkulin ay ang pagsagot sa telepono at pangangasiwa sa mga dokumento.

Masipag at bibo sa trabaho naman kung ilarawan ng mga kasamahan ang 32 anyos na si Randy Cruz, isa ring person with disability (PWD), na nagtatrabaho bilang customer and merchandiser assistant sa isang botika.

"Mas mabusisi sila kasi when you give them a task, talagang focused sila... they're able to finish it [with] minimal to zero errors," sabi ni Christine Pambuan, human resource training manager sa botikang pinagtatrabahuhan ni Cruz.

Ilan lang sina Vizmonte at Cruz sa mga PWD na patuloy na nakapagtatrabaho sa kabila ng pagkakaroon ng mga natatanging pangangailangan.

May ilang establisimyento ang may mga sariling programa na nagbibigay ng pagsasanay at trabaho sa mga PWD, gaya ng pharmaceutical company na Unilab.

Nasa 600 PWD ang natutulungan ng Unilab sa ilalim ng kanilang programang "Project Inclusion," katuwang ang halos 30 employers.

Kabilang sa mga hinahasa sa mga PWD ay ang kanilang interpersonal skills, o kakayahang makisalamuha sa ibang tao, at problem-solving skills, o kakayahang makalutas ng mga suliranin.

Ipinag-uutos din ng batas na sa bawat ahensiya ng gobyerno at pribadong kompanya na may higit 100 empleyado, isang porsiyento rito ang dapat nakalaan sa PWDs.

Bukas ang "Project Inclusion" sa mga PWD na nais magkaroon ng karagdagang kaalaman at matulungan sa job-matching o paghahanap ng wastong trabaho.

Maaaring makipag-ugnayan sa kanilang website at Facebook account.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.