P200-K halaga ng gamit, alahas at pera, natangay sa pamilya sa hotel

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2018 05:26 PM

NAGA CITY - Natangay mula sa isang pamilya ang nasa P200,000 halaga ng gamit, alahas at pera habang nagpapahinga sa isang hotel sa Naga City Sabado ng gabi.

Dahil sa pagod sa pagmamaneho mula sa Caramoan, Camarines Sur, nagpahinga muna ang pamilya ni Nancy Aclo sa isang hotel sa may Almeda Highway sa Naga City bago bumalik sa Maynila.

Ngunit napansin niyang nawawala ang kanyang mga mahahalagang gamit kinaumagahan.

Nang suriin ang kuha ng CCTV sa hotel, nakita ang pagdating ng dalawang lalaki sakay sa isang motorsiklo sa lugar bandang alas-4 ng madaling araw.

Pumasok sa stock room ang isang lalaking nakasumbrero at jacket pero wala itong nakuha. Umakyat ito sa ikalawang palapag ng hotel kung saan sinubukan nitong buksan ang bintana sa mga kwarto.

Dahil bukas na ang bintana sa kwarto nina Aclo, hindi na nahirapang pumasok ang lalaki rito.

Maya-maya pa ay muli itong lumabas sa parehong bintana na may bitbit nang bag.

Nakasalubong pa ng staff ng hotel ang lalaki. Sinundan ito ng staff hanggang sa nawala.

Matapos ang insidente ay nahuli ng pulisya ang lalaking kinilalang si Alvin Bernardo, 31 taong gulang at dati nang may kasong pagnanakaw.

Nahuli ito sa isang kainan sa barangay.

Wala na ang mga ATM at credit card na tinangay niya sa biktima pero nakuha mula sa kanya ang pera, alahas at iba pang gamit na tinatayang aabot sa P200,000, ayon sa biktima.

Tumanggi ang suspek sa mga paratang sa kanya. Aniya, iniwan lang sa kanya ng kanyang kasama ang mga gamit.

Kinaumagahan, sumuko rin ang kasamang si Henry Japa. Ayon sa kanya, inimbitahan lamang siya ni Bernardo na pumunta sa hotel para sa isang kaibigan.

Pero sa kuha ng CCTV, nakitang sinubukan rin ni Japa na buksan ang pinto ng ilang kwarto sa hotel.

Haharap sa kasong robbery ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.