Mga pasahero, stranded dahil sa sinuspendeng bus firm, hinuling mga 'kolorum' van

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2018 06:12 PM | Updated as of Mar 25 2018 10:56 PM

Hindi makaluwas ang mga pasahero mula sa ilang terminal sa Occidental Mindoro nitong Linggo matapos ipatigil ang mga biyahe ng bus firm na Dimple Star Transport at hulihin ang mga kolorum na van.

"Ang mga pasahero, nag-uwian dahil walang masakyan," ani Nestor Batalla, dispatcher sa Sablayan Grand Terminal.

"Paano naman 'yong mga nangangailangan talaga, may mga emergency na lakad sa Maynila?" sabi naman ng pasaherong si Genalyn Panes.

Sinuspende noong Biyernes ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang prangkisa ng Dimple Star matapos masangkot ang isa nitong bus sa isang aksidente noong Martes. Nasa 118 bus ng firm ang apektado ng suspensiyon.

Labinsiyam na pasahero ang nasawi habang 21 naman ang sugatan noong Martes matapos dumausdos ang bus sa isang bangin sa Sablayan, Occidental Mindoro.

Bukod sa suspensiyon, tumigil na rin sa pagbiyahe ang mga kolorum na van sa dahil sa panghuhuli ng LTFRB at Highway Patrol Group ng lalawigan.

"Bawat bayan may hulihan na, e di istambay na lang kami," anang tsuper na si Rommel Batalla.

Hiniling ng mga stranded na pasahero na sana'y magpadala ang LTFRB ng mga bus, lalo at kailangan nilang lumuwas para sa Semana Santa.

Noong Sabado, nasa 22 bus ng Dimple Star ang pinigilan ng mga awtoridad na bumiyahe sa San Jose, Occidental Mindoro.

Sa Oriental Mindoro, 22 bus din ng Dimple Star ang pinigilang bumiyahe sa Calapan at Roxas port na patawid sana papuntang Iloilo.

AYUDA SA MGA BIKTIMA

Nagtugo naman sa Pangulong Rodrigo Duterte noong Biyernes sa Occidental Mindoro para bisitahin ang mga biktima at ang lugar na pinangyarihan ng insidente.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa Malacañang at kaanak ng mga biktima, nag-abot ang Pangulo ng P20,000 para sa pamilya ng mga namatay habang P10,000 naman sa bawat nasugatan.

Nagbigay din si Duterte ng mga bulaklak at cellphone.

"May binigay siyang mga contact number para daw po kung ano pa 'yong mga concern namin," ani Rechelyn Bayle, anak ng nasawing si Lolita Bayle.

Nananatili namang pangako ang tulong mula mismo sa Dimple Star Transport, ayon sa kaanak ng ilang biktima.

Sa pamilya Bayle, nasawi si Lolita matapos isakripisyo ang kaniyang buhay para matiyak ang kaligtasan ng tatlong apo. Sugatan din sa insidente ang isa pang babaeng anak ni Lolita.

Kuwento ni Rechelyn, P1,000 pa lang ang natatanggap nila mula sa Dimple Star.

"Sa ate nagbigay raw po sila ng P1,000 sa ospital sa Mamburao... Nangako sila na aasikasuhin lahat, 'yun lang po pinanghahawakan namin," ani Rechelyn.

Kuwento naman ni Bernice Abquilen, anak ni Teresita Dupagan na namatay sa insidente, gusto ng Dimple Star na makapagbigay muna sila ng mga dokumento bago mabigyan ng ayuda.

"Wala pa po kasi hinahanapan si mama ng copy ng death certificate, at wala pa po kami mai-provide. Babalik na lang daw po sila," ani Abquilen.

Ayon kay Rene Grapilon, abogado ng Dimple Star Transport, ibinigay na ng kanilang insurance company ang ayudang P200,000 sa pamilya ng mga namatay at P20,000 sa nasugatan.

"Dimple Star's insurance has already given P200,000 to the relatives of the passengers who died and P20,000 to the passengers who suffered injuries, which excludes medical, financial and moral support to all the families who are part of this unfortunate event," sabi ni Grapilon sa isang pahayag.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.