Lalaking 'kumukuha ng palaspas,' nakuryente, patay

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2018 08:56 PM

Nasawi ang isang lalaki sa North Cotabato noong Biyernes matapos makuryente nang umakyat sa isang puno. Retrato mula sa Midsayap police.

Patay ang isang lalaki sa Midsayap, North Cotabato noong Biyernes matapos makuryente nang umakyat sa puno ng niyog para kumuha umano ng dahong gagamitin sa Linggo ng Palaspas.

Isang puno ng niyog sa may gilid ng national highway ang inakyat ng biktimang si Jonald Silvano, 23 taong gulang at empleyado sa isang restoran sa bayan.

Isang puno ng niyog sa may national highway sa Barangay Poblacion 8, Midsayap ang inakyat ng biktima. Retrato mula sa Midsayap police.

Sumabit umano ang dahong kinuha ni Silvano sa isang live wire ng poste ng Cotabato Electric Cooperative, dahilan para siya'y makuryente.

Sa lakas ng boltahe ay nawalan ng malay ang biktima sa taas ng puno at sumabit sa tangkay.

Binawian ng buhay si Silvano habang isinusugod sa ospital.

-- Ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.