Bus terminals, airport, nakahanda sa dagsa ng pasahero; Bagyo, nagbabadya

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2018 07:44 PM | Updated as of Dec 21 2018 04:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakahanda na ang bus terminals at ang Ninoy Aquino International Airport sa inaasahang dagsa ng mga biyahero simula Miyerkoles Santo.

Ayon sa pamunuan ng ilang bus terminal sa Pasay, karaniwang nagiging fully booked ang mga biyahe ng bus pagsapit ng Miyerkoles o Huwebes Santo.

Maglalaan pa rin naman daw sila ng tickets para sa chance passengers.

Nakabantay na rin ang ilang pulis at sundalo sa paligid ng bus terminals bilang bahagi ng "Oplan Ligtas Biyahe."

Nagpaalala naman ang pamunuan ng Araneta Center Bus Port sa mga pasahero na huwag nang magdala ng mga ipinagbabawal na gamit sa biyahe tulad ng baril, bala, patalim, at iba mga bagay na maaaring magliyab.

Dadagdagan din ng bus port ang mga biyahe papuntang Bicol at Visayas ngayong Semana Santa.

NAIA

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagtayo na ng ilang booth sa loob ng mga terminal ng Ninoy Aquino International Airport para tumulong sa mga pasaherong magkakaproblema sa flight o kaya'y magkakasakit habang nasa paliparan.

Inaasahan ding sa Miyerkoles Santo magsisimulang dumagsa ang mga pasaherong bibiyahe sa iba't ibang bahagi ng bansa o kaya'y magbabakasyon sa ibang bansa.

NLEX, SLEX

Bahagya nang nagkakaroon ng pagsisikip ng trapiko sa Bocaue toll plaza ng North Luzon Expressway (NLEX).

Ayon sa pamunuan ng NLEX, nagdagdag na sila ng mga teller para na rin sa inaasahang dagsa ng mga motoristang bibiyahe sa mga hilagang probinsiya ng Luzon.

Libre na rin ang towing o paghatak sa mga class 1 vehicle na masisiraan sa NLEX sa Miyerkoles.

Kailangan lang dalhin muna ng motorista ang naaberyang sasakyan sa pinakamalapit na exit sa NLEX para matugunan ng towing team.

Nitong hapon ng Linggo, bahagyang nagsikip ang trapiko sa South Luzon Expressway (SLEX) dahil sa makapal na usok mula sa nasusunog na talahiban makalampas lang ng toll plaza sa Cabuyao, Laguna.

Umayos din ang lagay ng trapiko nang maapula ang grass fire.

BAGYO SA SEMANA SANTA

Watch more in iWant or TFC.tv

Posibleng maging maulan ang Semana Santa dahil sa inaasahang pagpasok ng bagyo sa Philippine Area of Responsibility sa hapon ng Lunes, Marso 26 o umaga ng Martes, Marso 27.

Kapag nagkataon, tatawagin itong bagyong "Caloy."

Sa pinakahuling taya ng PAGASA, namataan ang bagyo sa layong 1,560 silangan ng Hinatuan, Surigao.

May taglay itong hangin na aabot sa 65 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 80 kilometro kada oras.

Sa ngayon, hindi pa ito nakaaapekto sa bansa.

Hindi rin ito inaasahang magla-landfall.

Patuloy rin nitong tinatahak ang direksiyong kanluran hilaga-kanluran sa bilis na 23 kilometro kada oras.

-- Ulat nina Apples Jalandoni at Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.