4 patay, 2 arestado sa drug op sa Cotabato

Arianne Apatan at Noel Elvena, ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2018 11:31 AM

COTABATO CITY - Apat ang patay at 2 ang arestado nang salakayin ng mga awtoridad ang isang umano'y drug den sa Barangay Poblacion 2 sa lungsod na ito, Linggo ng ng madaling-araw.

Target ng operasyon ang 4 na nasawi na itinuturong sangkot sa bentahan ng bawal na gamot, armas at pampasabog, sabi ni Senior Supt. Rolly Octavio, hepe ng Cotabato City police.

Armado aniya ng 25 search warrant ang mga awtoridad nang halughugin ang 5 bahay na pinagkukutaan umano ng mga suspek.

“Doon nga sa labas ng bahay puno nga ng empty sachet. Based rin sa report na nakarating sa atin dito talaga 'yung drug den na kung saan yung mag users dito pumupunta at gumagamit," ani Octavio.

Nakipagbarilan aniya ang mga suspek kaya napatay ng mga operatiba.

“Noong pagpasok natin lumaban agad 'yung isa. Nagpiglasan sila, nakapagpaputok rin sila ng baril kaso lang talagang naunahan sila ng personnel natin," sabi ng opisyal.

"Yung isa may dalang granada. Dikit dikit ang bahay, maraming tao sa paligid at sabay-sabay ang law enforcers kaya impossible na makagawa kami ng bagay na hindi legitimate.”

Natagpuan ang isa sa mga napaslang sa ilalim ng kama ng kaniyang kapitbahay.

Tumakbo umano ito nang may dalang granada sa bahay ng kaniyang kapitbahay at nagtago roon nang matunugan ang pagdating ng mga awtoridad.

“Biglang pumasok yung nabaril. Wala kaming nakitang dala niya kasi ninerbyos ako, natatakot ako. Lumabas na lang kami” sabi ni Bai King Haron, na nakatira sa naturang bahay.

Naaresto sa parehong operasyon sina alyas Omar at Para, na umaming gumagamit ng ilegal na droga.

Nakatakas naman ang isa pang target.

Nasamsam sa lugar ang ilang armas, bala, granada at mga pakete ng hinihinalang droga. Nakuha rin ang 2 multi-cab at 3 motorsiklo na iniimbestigahan pa kung ninakaw.

Nitong Sabado, napatay ang isang kagawad habang 4 ang naaresto bilang bahagi ng "One Time Big Time" drug operation ng pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.