1 CAFGU patay, 4 sugatan sa pamamaril sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2018 03:52 PM | Updated as of Mar 25 2018 07:58 PM

Iniinspeksyon ng mga awtoridad ang lugar kung saan binaril ng isang sundalo ang kaniyang mga tauhang CAFGU. ABS-CBN News

MAASIN, Iloilo - Patay ang isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) habang sugatan ang kaniyang 4 na kasamahan matapos pagbabarilin ng kanilang detachment commander sa bayan na ito, Linggo ng madaling-araw. 

Naglalakad at katatapos lang magpatrolya ng mga biktima sa piyesta nang bigla silang atakehin ng suspek ilang metro mula sa kampo ng militar sa Barangay Panalian, kung saan sila papunta.

Pinagtulungan ng iba pang miyembro ng unit na agawan ng baril ang suspek at saka isinugod sa ospital ang mga nasugatan. Hindi na naisalba ang isa sa mga biktima.

Kusa namang sumuko sa mga awtoridad ang suspek at inamin ang ginawa. Aniya, napagkamalan niyag kalaban ang mga tauhan dahil madilim ang lugar na sinasabing isang hostile area. 

Nagkasa na ng imbestigayon ang Philippine Army ukol sa insidente. -- Ulat ni Nony Basco, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.