Bahay ng umano'y drug pusher sa Laoag City, ni-raid

Grace Alba, ABS-CBN Laoag

Posted at Mar 26 2017 04:39 AM

LAOAG CITY — Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Philip Salvador ng Regional Trial Court (RTC)-Branch 13 sa lungsod na ito, nilusob ng mga operatiba ang bahay ng hinihinalang drug pusher na si Anthony Rogel sa Barangay 27 noong Biyernes ng hapon.

Hindi nadatnan ng mga pulis si Rogel at ang kanyang pamilya. 

Ilang beses tinawagan ng mga pulis ang live-in partner nito para saksihan ang operasyon pero hindi ito sumipot.

Dahil sa armado naman ang raiding team ng search warrant, napilitan at pwersahan na nilang pinasok ang bahay kasama ang ilang barangay officials at kaibigan ng suspek.

Mahigit dalawang oras bago napasok ng raiding team ang bahay.

Narekober sa loob ang pitong sachet na hinihinalang may lamang shabu at ilang drug paraphernalia tulad ng test-tube holder, portable blue torch, mga plastic straw, at pakete ng plastic sachet.

Ayon kay barangay chairman Rufino Bareng, may mga impormasyon siyang natatanggap na sangkot sa operasyon ng iligal na droga si Rogel. 

"May mga tsismis na talagang gumagamit siya at the same time pusher na ayon na rin sa mga dating gumagamit na siya rin daw ang pinagkukunan nila," ani Bareng.

Sa pakikipag-usap ng mga pulis sa live-in partner ng suspek, hindi daw alam nito kung saan si Rogel.

Lumalabas din na tauhan ng isang big time drug pusher sa Ilocos Norte si Rogel.