MAYNILA — Aminado si Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na nahihirapan ang mga awtoridad sa paghahain ng warrant of arrest laban sa anim na akusado sa pagkawala ng mga “missing sabungero”.
Kinuwestiyon din ni Remulla ang “representation” ng mga abogado ng mga ipina-aarestong suspek sa pagkawala ng mga sabungero.
Sabi ni Remulla, pinag-aaralan nila na maghain ng manifestation sa korte patungkol sa mga abogadong ayaw namang isuko ang kanilang kliyente kahit pa may mga warrant of arrest nang kinakaharap ang mga ito.
Ayon pa kay Remulla, kung ganito ang magiging sitwasyon, lumalabas na kuwestiyonable na ang kanilang partisipasyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
“There are six warrants of arrest issued ang problema hindi nase-serve kasi missing yung mga tao..nag-enter ng appearance yung Fortun/Santos - yun po ay aming pinag-aaralan dahil we might as well find some manifestations with the court about the entry of lawyers who will not surrender people but have their signatures even after the issuance of warrant of arrests which means they are coddling their clients…hopefully they won’t do it. Their participation is questionable at this juncture sa case proper,” sabi ni Remulla.
Paliwanag ni Remulla, may mga impormasyon patungkol sa kinaroroonan ng mga ipina-aarestong suspek pero hindi nila alam kung bago o luma na ang mga ito pagdating sa kanila.
“Actually mahirap talaga, people who will not surrender can be very scarce…and information when it reaches the ground, we don’t really know the age of the information whether it is current or past so the risk has to be taken... unfortunately wala pa - hindi pa na-se-serve,” ani Remulla
Samantala, nagpahayag ng pagkadismaya si Remulla sa mga kagawad ng media na nakabantay sa development ng mga “missing sabungeros” matapos madiskubre na may nagpasok ng “eavesdropping equipment” para i-monitor ang usapan o pulong ng DOJ kasama ang mga kaanak ng nawawalang sabungero.
“May nagpadala ng radyo para mag-eavesdrop sa usapan eh sana naman sabihin na lang sa amin kung ano gusto kasi parang improper ho… may nagpadala ng radyo para isingaw yung pinag-uusapan sa loob - sana huwag nang maulit,” sabi ni Remulla.
Nananatili ang alok ng DOJ na P6 milyong pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa ikalulutas ng kaso ng mga nawawalang sabungero.
Sabi ni Remulla, hawak na nila ang P5 milyon dito at patuloy pang kinakalap ang karagdagang P1 milyon pa para makumpleto ang pangakong P6 milyon.
Ayon sa kalihim, nanggaling ang naturang pera sa mga kaibigan.
“The P6 million is coming from friends. Basta we were able to raise that amount. We have P5 million on hand, we need more P1 million but it’s there,” ani Remulla.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.