Hiniling ng TUCP na itaas hanggang P814 ang minimum daily wage sa Region XI, nitong ika-23/24 ng Marso 2022. Kuha ni Chrislen Bulosan
Davao City — Naghain ng petisyon Huwebes ng umaga ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) Region XI para gawing P814 ang minimum daily wage ng mga manggagawa sa Davao region.
Ayon sa TUCP, hindi sapat ang P396 na minimum daily wage sa kasalukuyan para mabuhay nang maginhawa ang kada-pamilya, lalo na ngayong patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Batay sa kanilang petisyon, dapat dagdagan pa ng P418 pesos ang minimum wage.
“Yang P396, hindi naman 'yan ang naiuuwi ng mga manggagawa. Ang inuuwi niya, P363 lang. Kasi kakaltasan pa 'yan eh. Buti nga kung yung legally mandated contributions lang. Kasi sa kahirapan, ang daming utang,” ayon kay Eva Arcos, National Vice-President ng ALU-TUCP.
Dagdag pa ng TUCP, hindi desente at komportable ang buhay ng mga pamilyang umaasa lang sa “kakarampot na sahod” dahil kasya lang ito para maitawid ang isang araw at wala nang naiipon.
Taong 2018, sinabi ng NEDA na P42,000 ang kailangang budget para mabuhay ang isang pamilya sa loob ng isang buwan.
“Malayo ito sa sinasabi ng gobyerno na mabubuhay ang isang pamilya. So kung ito ay ibibigay ng ating gobyerno, ito yung magiging survival wages na,” sabi ni ALU-SMR Regional VP Sofriano Mataro.
Nasa 30 araw ang posibleng aabutin bago lumabas ang desisyon kung aaprubahan ba o ide-deny ang petisyon ng TUCP.
Noong nakaraang linggo, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pamimigay ng P200 kada mahirap na pamilya bilang “ayuda” dahil sa pagtaas ng presyo ng langis.
Kahit pa man nagkaroon na ng rollback nitong Martes, nanindigan ang TUCP na pangmatagalang epekto para sa mga mamamayan ang pagtaas ng iba pang mga bilihin.
- Ulat ni Chrislen Bulosan
KAUGNAY NA VIDEO