PatrolPH

Ilang maliliit na negosyo sa Siargao balik-sigla kasunod ng Odette

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2022 01:43 PM

Watch more News on iWantTFC

Unti-unti nang bumabalik ang sigla ng turismo sa Siargao Island, 3 buwan matapos tumama ang Bagyong Odette.

Sa Cloud 9 sa bayan ng General Luna, tinatayo nang muli ng mga maliliit na negosyante ang kanilang mga surf shop, souvenir store at kainan.

Sinimulan na ring itayo ang boardwalk na pinadapa ng Odette, ang pinakamalakas na bagyong tumama sa Pilipinas noong nakaraang taon.

Ayon sa Surigao del Norte Provincial Tourism Office, nagsisimula na ring magbukas ang ilang hotel.

Dumagsa na rin ang mga surfer, lokal at banyaga, na kaniya-kaniyang puwesto sa dalampasigan.

Balik-operasyon naman na ang mga flight patungong Siargao.

Normal na rin ang biyahe ng mga lantsa at barge. Sa ngayon, 4 na operators ang nakabalik na sa biyahe pati na rin ang fastcraft.

Sa Southern Leyte, binuksan na rin ulit sa mga turista nitong Martes ang mga diving site matapos ang pananalasa ng Odette. Kilala ang lalawigan dahil sa ganda ng marine life at mga coral reef nito.

— Ulat nina Francis Magbanua at Jenette Ruedas

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.