PatrolPH

SBMA nagpatupad ng curfew; RT-PCR test, kailangan sa mga overnight visitor

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2021 02:12 AM

SBMA nagpatupad ng curfew; RT-PCR test, kailangan sa mga overnight visitor 1
Kuha ng SBMA

Dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa ibang probinsya, naghigpit na rin ang Subic Bay Metropolitan Authority at nagpatupad na ng curfew sa naturang lugar.

Ayon kay SBMA chair and administrator Wilma Eisma, nagsimula na ang curfew nitong Lunes, March 22, at epektibo ito hanggang April 4, 2021. Simula ito alas 12 ng hatinggabi hanggang alas 5 ng madaling araw.

Ang mga maaaktuhang bumabiyahe sa oras ng curfew ay kailangang makapagpakita ng SBMA-issued gate pass at company ID. Base sa IATF-EID resolution No.96, ipinagbabawal din sa freeport ang pagpunta sa mga pampublikong lugar ng mga 15-anyos pababa at mga 65-anyos pataas, maliban kung para sa pagkain, trabaho, o ehersisyo ang paglabas nila.

Bawal din ang mga bata 3-anyos pababa sa mga beach sa Subic. Ipinagbabawal din ang pag-inom ng alcohol sa mga public area, at pagpi-picnic sa Waterfront, Boardwalk Park, Malawaan Park at San Bernardino Park.

Hindi haharangin ang mga cargo deliveries basta siguruhing naka face mask at face shield ang mga crew na sakay nito.

Para sa mga manggagaling sa "NCR Plus" tulad ng Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna, papayagan ang pagpasok sa SBMA para sa business purpose, pero dapat makapagpakita ng email confirmation ng appointment nila sa freeport.

Kung magtatagal sila ng 24 oras sa freeport, kailangan nila makapagpakita ng negative na resulta ng RT-PCR test na nakuha sa loob ng 24 hours bago pumunta sa Subic.

Para naman sa mga manggagaling sa mga lugar sa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) at planong manatili ng 3-4 araw sa freeport, kakailanganin din nila ng RT-PCR test.

Nasa 110 COVID-19 cases na ang naitala sa SBMA, pero 6 lang ang active sa mga ito.

Nagpaalala ang SBMA na manatili nalang sa bahay, kung hindi naman essential ang gagawin para maiwasan ang mahawaan.--Ulat ni Gracie Rutao

MULA SA ARKIBO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.