PatrolPH

Pola, Oriental Mindoro nagpatupad ng 2-linggong lockdown

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2021 01:09 PM

Isinailalim sa 2-linggong lockdown ngayong Miyerkoles ang bayan ng Pola, Oriental Mindoro para maiwasan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19, lalo’t inaasahang marami ang mag-uuwian doon sa Holy Week.

Ayon kay Pola Mayor Jennifer Cruz, nagkasundo ang mga opisyal ng bayan na ipatupad ang mas mahigpit na health protocols dahil na rin sa tumataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa ilalim ng 2-linggong lockdown sa bayan, walang makakapasok kahit mga stranded individual o authorized person outside residence.

Maging ang mga turista, hindi rin umano tatanggapin.

Kailangan umanong kumuha ng quarantine pass ng mga taga-Pola na nagtatrabaho sa ibang lugar habang health certificate naman ang kailangang ipakita ng mga nagtatrabaho sa Pola na taga-ibang lugar.

Magpapatupad din ng liquor ban, at ipagbabawal din ang kasal, binyag, misa at iba pang mass gathering.

Papayagan lamang papasukin sa Pola kung emergency situation.

Dahil sa lockdown, nakahanda na ang relief goods na ipamimigay sa mga apektadong residente, kabilang ang tig-5 kilong bigas.

“Talagang kailangan natin ingatan ang mamamayan ng bayan ng Pola dahil hindi na natin alam kung ano ang mga variant ng COVID,” sabi ni Cruz.

Inaasahang muling magbubukas ang Pola pagkatapos ng Holy Week.


Ini-lockdown simula ngayong Miyerkoles ang bayan ng Pola, Oriental Mindoro para maiwasan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19, lalo’t inaasahang marami ang mag-uuwian doon sa Holy Week.

– Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.