Naglipana umano ang mga ibinebentang COVID-19 test results at mga testing kit. Screenshot
MAYNILA - Nababahala ang mga awtoridad sa paglipana ng mga ibinebentang di awtorisadong coronavirus disease (COVID-19) test results at mga testing kit.
Ayon sa Department of Health, nakakatanggap sila ng kaliwa't kanang report ng mga nasabing modus na makakadagdag pa sa problema ng bansa sa pandemya.
Babala pa ni DOH Spokesperson Maria Rosario Vergeire na may kaakibat din na parusa para sa mga nagbebenta o namimigay ng pekeng resulta.
"We have a way of tracking test results coming from our licensed labs. pangalawa, maaring mag cause pa ng harm sa inyo. kasi maaring bigyan kayo ng false results, eh 'yun pala positive na kayo. o kaya negatibo kayo, eh ginamit niyo yang fake na yan, baka mapunta kayo sa mga wards o sa quarantine facilities na hindi naman dapat," ani Vergeire.
Kuwento ng nurse na si Alyssa Legaspi na inalok na siya ng pekeng RT-PCR Test result nang maghanap siya online ng pasilidad para sana sa mga kaibigang nais magpa-swab test.
Sa ABS-CBN News, ikinuwento ni Legaspi na inalok siya ng isang seller ng swab test result na nagkakahalagang P2,500. Pangako umano ng seller na hindi na nito kailangang magpunta ng clinic, at negative agad ang resultang makukuha niya.
"I was so shocked, kasi like naririnig ko na siya before para ma-witness ko 'yun at para offeran pa akong ganon sobrang nanginginig talaga ako noong nabasa ko yun nung in-offer sa akin yun," ani Legaspi.
Ginagaya rin ng namemeke ang hitsura ng RT-PCR results na iniisyu ng Philippine General Hospital.
Kaya naman paalala ng PGH sa publiko na maging maingat sa kahina-hinalang report ng RT-PCR.
Nahuli rin kamakailan sa Maynila ang isang swab testing center na walang kaukulang permit at napag-alamang nag-o-operate na nang tatlong linggo.
Ipinapadala ang swab sa isang clinic, at ang naturang clinic ang magbibigay ng certificate o positibo o negatibo.
"Pinasara niya outright at pina-imbitahan 'yung dalawang doctor na engaged nga sa pagsasagawa ng swab test. Yung sanitary nagkaroon ng caution. At the same time, nagkaroon ng violation dahil wala silang business permit," ani Police Lt. Col. Jhun Ibay, hepe ng Special Mayor's Reaction Team.
Bukod sa mga di awtorisadong swab testing cites, naglipana na rin sa mga e-commerce at social media platform ang gma antibody, antigen, at saliva sputum test kit.
Paalala ng Food and Drug Administration, bawal ang pagbebenta online ng test kits na may kinalaman sa COVID-19 - aprubado man ito ng ahensiya o hindi.
"Lahat yan authorized for use only under the supervision of a health practitioner or health professional kasi merong tamang paggamit niyan, merong training kailangan, including pag-handle ng sample ng dugo halimbawa or laway or swab kasi mapanganib po yun," ani FDA Director-General Eric Domingo
" Maaari lamag siyang ibenta kung meron pong reseta ng doctor or yung mismong clinic or hospital ang nagbenta. Kahit registered siya hindi siya pwedeng ibenta diretso sa mga tao, sa mga individuals na gagamit nito," dagdag niya.
Sa kanilang pahayag, sinabi ng Lazada Philippines na mahgipit nilang ipinagbabawal ang pagbebenta ng test kits, at regular na inaalis ang listings na lumalabag sa polisiya.
Pinaparusahan din anila ang mga seller na lumalabag sa terms and conditions ng plataporma.
“In accordance to relevant government regulations, the sale of Covid-19 Rapid Antigen and RT-PCR Test Kits are strictly prohibited on the Lazada platform. Among other checks, our team does daily manual sweeps of product listings that violate existing policies and are removed immediately when identified. Sellers found in breach of our terms and conditions are also penalized," anila.
Sinabi rin ng Shopee Philippines na inaalis o bina-ban nila ang mga may regulatory violation. Bina-black list din umano ang mga may keyword na may kinalaman sa COVID-19 test para maiwasan ang puslit na pagbenta.
“All listings on Shopee must go through a series of screenings, and listings not cleared due to regulatory violations or other violations of our terms of use will be removed or banned. As for COVID-19 test kits, we regularly sweep our platform and remove any such listings since they violate our strict product guidelines. As a preemptive measure, we also blacklist specific keywords to intercept any attempt to list such products on our platform," anila.
-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, TV Patrol, RT-PCR tests, COVID-19, COVID-19 tests, consumer, konsyumer