PatrolPH

COVID-19 surge: Mga ospital puno, mga pasyente araw ang hintayan bago ma-admit

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2021 08:15 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Nadulas sa bahay ang senior citizen na ama ni Joena Canabe at kinailangang dalhin sa pagamutan.

Dahil hindi nila kaya ang down payment na hinihingi ng ilang pribadong ospital, nagpaikot-ikot sila sa public hospitals pero 12 ospital sa Maynila, Quezon City at maging Bulacan ang hindi sila kayang ma-admit agad.

Ilan dito, puno na raw sa mga pasyente na may COVID-19 sa gitna ng tumitinding pagkalat ng virus.

Marso 17 nangyari ang aksidente, pero nitong Marso 23, Martes lang na-confine si Mang Benito, ama ni Canabe.

"Naghanap kami nang naghanap... Sabi nila sarado na, full na po... 'Yung father ko that time, sobrang nanghihina na siya, ayaw niya na, sabi niya sa amin tama na, pagod na siya," kuwento ni Canabe.

Ayon sa Department of Health (DOH), hanggang Martes, nasa 43.1 percent na ang COVID-19 bed occupancy sa buong bansa.

Ibig sabihin, halos kalahati ng kabuuang bilang ng 29,712 COVID-19 beds ay okupado na.

Sa Metro Manila, nasa 61.5 percent o 5,144 ng 8,362 kama ang okupado. Tatlong ospital ang nasa 100 percent capacity na.

Tumataas na rin ang COVID-19 bed occupancy ng mga lalawigan na kasama sa NCR plus bubble: 

  • Rizal → 64.3 percent
  • Laguna → 57.9 percent
  • Cavite → 54.2 percent
  • Bulacan → 44.2 percent

Ang Tondo Medical Center, nasa 90.8 percent capacity na ngayon kaya nililipat nila sa Philippine International Convention Center (PICC) quarantine facility ang hindi malubhang COVID-19 patients. 

"Ngayon, meron kaming 33 patients na nandoon; pag sinabi mong step down, 'yung mga nagko-continue na lang ng quarantine, nagko-continue na lang ng antibiotics nila. Hindi na sila bantayin na mga pasyente," ani Dr. Maria Isabelita Estrella, hospital chief ng Tondo Medical Center.

Ayon kay treatment czar Leopoldo Vega, dapat moderate at severe cases lang ang ia-admit sa mga ospital dahil sila ang mas nangangailangan ng atensyong medikal.

Kinakausap na rin umano ng One Hospital Command Center ng DOH ang mga ospital para muling i-adjust ang bilang ng COVID-19 beds.

"Kailangan ma-suspend muna 'yung mga elective at surgical admission na non-COVID, 'yung pwede pa namang makahintay ng mga 2 weeks hoping magkaroon ng spaces or vacancy sa lahat ng mga hospital," sabi ni Vega.

Inirekomenda naman ng DOH sa mga LGU na paigtingin ang house-to-house visit para matiyak na maayos na naisasagawa ang home quarantine.

— Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.