Truck driver na sumubok magpuslit ng 2 lalaki sa checkpoint, timbog sa Davao City

Cheche Diabordo, ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2020 12:12 PM | Updated as of Mar 24 2020 12:20 PM

Marilog Police Station

DAVAO CITY - Inaresto ng mga awtoridad ang 3 lalaki matapos nilang subukang lumusot sa isang checkpoint dito sa lungsod, Lunes ng hapon.

Ayon sa imbestigasyon, pinasakay at pinagtago sa likod ng sasakyan ng truck driver na si Vergel Jurial sina Herald Jone Alsa at Ruel Jay Tejada upang makapasok sa Davao City na kasalukuyang nagpapatupad ng community quarantine upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Nang tanungin ang driver na si Vergel kung may kasama siya, mariin nitong sinabi na mag-isa lang siya pero nang pinabuksan ang likod ng truck, nakita na nagtago sa likod ng mga kahon sina Herald at Ruel.

Galing sa Cagayan de Oro ang truck na mga kahon na walang laman ang karga.

Sa ilalim ng regional lockdown ng Davao, pinapayagan na makalusot ang mga cargo truck pero isa lang dapat ang sakay nito at hindi rin dapat bumaba sa truck ang naturang driver.

"I would like to reiterate, driver lang po ang pwedeng sakay ng isang cargo. Nawa'y maging babala ito sa mga taong matitigas ang ulo," ayon kay Police Capt. Philip Dave Uddin Station Commander ng Marilog Police Station.

"Kami po sa Philippine National Police ay ginagawa ang lahat para maiwasan ang pagkalat ng virus kaya hiling lang po namin sa inyo ay ang inyong kooperasyon,” aniya.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 11332 Section 9 for non- cooperation ang tatlong lalaki.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.