PatrolPH

PGH mananatiling bukas, ligtas para sa cancer patients: spox

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2020 04:08 PM | Updated as of Mar 24 2020 08:06 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Tiniyak ng Philippine General Hospital (PGH) na patuloy nilang seserbisyuhan ang mga pasyenteng may kanser at iba pang sakit kahit pa gagawing referral center ang pagamutan para sa mga may coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay PGH spokesperson Jonas del Rosario, patuloy ang operasyon ng kanilang Cancer Institute at mananatiling ligtas ang mga pasyente ng naturang pasilidad.

Ayon kay Del Rosario, hiwalay ang gusali ng mga cancer patient sa pagdadalhan sa mga pasyenteng posibleng may coronavirus.

Pero aminado si Del Rosario na problema talaga ngayon ay kung paano makararating ang mga cancer patient sa ospital.

Suspendido ang pampublikong transportasyon matapos isailalim sa enhanced community quarantine ang buong Luzon, na hakbang para mapigil ang pagkalat ng COVID-19.

Isa ang PGH sa mga itinalagang referral hospital para sa COVID-19, kasama ang Jose M. Rodriguez Memorial Hospital sa Caloocan City at Lung Center of the Philippines sa Quezon City.

Ayon kay Del Rosario, naglaan sila ng 150 kama para sa COVID-19 cases at kalaunan ay tataas pa raw ito.

Gaya ng ibang frontliner na humaharap sa virus na kumitil sa libo-libong buhay, maging ang mga tauhan ng PGH ay may pangamba, ayon kay Del Rosario.

Pero ginagawa raw ng kanilang pamunuan ang lahat para mapawi ang pangamba ng hospital staff, ayon kay Del Rosario.

Sa ngayon, sapat umano ang mga tauhan ng PGH na itatalaga para tutukan ang mga tatamaan ng COVID pero pinanghahawakan pa rin daw nila ang pangako ng Department of Health (DOH) na magbibigay ng tulong sa oras na magipit ang ospital.

Mapanganib ang COVID-19 para sa matatanda, mahina ang resistensiya, at may underlying medical condition o ibang karamdaman.

Sa tala ng Department of Health nitong umaga ng Martes, umabot na sa 552 ang bilang ng mga taong nahawahan ng COVID-19 sa Pilipinas. -- Ulat nina Raphael Bosano at Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.