Pasig City naglunsad ng 'mobile palengke' sa gitna ng COVID-19 lockdown

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2020 03:43 PM


MAYNILA — Para mapanatili ang inirerekomendang "physical distancing" laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), inilunsad sa Pasig City ang mga "mobile palengke" sa gitna ng Luzon lockdown. 

 

Sa Facebook post ni Pasig Mayor Vico Sotto, sinabi ng alkalde na layon nitong mabawasan ang dami ng tao sa Pasig Mega Market. 

"Presyong palengke, mas malapit sa mamimili, at tulong na rin sa mga maninindang Pasigueño (galing sa Mega Market ang bigas, karne, gulay)," sabi ni Sotto.

Limang mobile palengke ang ipakakalat sa buong Pasig City, aniya. 

Ilalabas ng Pasig Public Information Office ang schedule ng mga mobile palengke ngayong Martes. 

Kasalukuyang umiiral ang enhanced community quarantine sa Luzon para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19. Sa ilalim ng lockdown, istriktong home quarantine ang ipatutupad at limitado lang ang maaaring lumabas sa mga tahanan. 

Sa huling ulat ng Department of Health, pumalo na sa 501 ang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas at 33 naman ang namamatay dito. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.