Pagdaraos ng burol bawal muna sa Mandaluyong

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2020 06:00 PM | Updated as of Mar 24 2020 07:51 PM

Bawal munang magdaos ng burol sa lungsod ng Mandaluyong habang umiiral ang enhanced community quarantine sa buong Luzon, ayon sa bagong utos ng lokal na pamahalaan.

Sa ilalim ng Executive Order No. 9 na nilagdaan ni Mayor Carmelita Abalos at inilabas ngayong Martes, ipinag-uutos na dapat ay ma-cremate o malibing ang labi ng isang namatay sa loob nang 48 oras, kahit ano pa ang naging sanhi ng pagpanaw.

Pero kung ang namatay ay nahawahan ng COVID-19 o itinuring na person under monitoring o patient under investigation nang masawi, dapat ma-cremate ang labi sa loob nang 24 oras.

 

Nilinaw naman ng pamahalaang lokal na susundin ang relihiyon o mga nakagawian (customs) ng pumanaw.

Nagbabala ang pamahalaang lungsod ng Mandaluyong na ang hindi susunod sa executive order ay kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 11332 o non-cooperation during events of public health concern.

-- Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.