NFA: Suplay ng bigas, palay ngayong may COVID-19 outbreak 'sobra-sobra' pa

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2020 01:07 PM

MAYNILA - Iginiit ng National Food Authority - isang attached agency ng Department of Agriculture - na sapat pa ang imbak ng bigas sa gitna ng outbreak ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) 

Puno pa ang mga bodega ng NFA at hindi ito ganoong nabawasan nang mangyari ang pag-alboroto ng Bulkang Taal, ayon sa administrator ng NFA na si Judy Carol Dansal. 

"Lahat po ng bodega ng NFA punong-puno last year so we have a good inventory to start this year. At kahit na nangyari yung sakuna sa Taal, sobra-sobra pa rin tayo [ng supply]," ani Dansal. 

Mayroon pa aniyang 9.3 milyong sako ang NFA. 

Tuloy-tuloy din umano ang paggiling ng mga palay dahil malaki ang demand ng mga lokal na pamahalaan. 

"We have exerted effort na tuloy-tuloy po ang milling dahil malaki po ngayon ang demand ng ating local government units at ng Department of Social Welfare and Development," ani Dansal. 

Itinigil na rin muna ngayon ng NFA ang pag-deliver sa mga dealer ng suplay. 

Pero posible anilang ibalik ito sakaling irekomenda ng DA. 

Ipinapairal sa ngayon ang enhanced community quarantine sa Luzon, para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.