Mga hayop sa mga pet shop sa Cartimar inaalagaan pa rin sa gitna ng COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2020 09:02 AM | Updated as of Mar 24 2020 09:15 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

PASAY - Inaalagaan pa rin ang mga hayop sa mga pet shop sa Cartimar sa kabila ng umiiral na Luzon-wide community quarantine nitong Martes.

Sa inspeksyon ng Pasay City veterinary office, sinabi nilang walang nangyaring kapabayaan sa mga alagang hayop sa Cartimar.

Kumalat kasi ang isang post sa social media na nagreklamo sa umano'y kapabayaan sa sikat na mga pet store sa naturang lugar. Ayon sa post, dahil sa lockdown tila iniwanan na ang mga hayop sa kulungan at hindi pinapakain.

Ayon naman sa ilang mga may-ari ng pet shop, may mga caretaker pa rin sila sa loob ng pet shop kahit na sarado ang mga shop dahil sa enhanced community quarantine.

Dagdag pa nila, pinapakain nila lahat ng hayop dahil bahagi ito ng kanilang hanapbuhay at kailangan nilang alagaan ang mga ito.

Sa ngayon, sarado ang Cartimar pet shops dahil sa enhanced community quarantine.

Ayon naman sa NGO na Animal Kingdom Foundation, masaya sila sa update ng Pasay veterinary office at nag-inspeksyon na rin sila sa iba't ibang dog pound sa Metro Manila para masigurado na hindi napapabayaan ang mga aso.

Sa kanilang pag-iikot, nakita nilang may mga naiwan pa rin na staff sa mga dog pound at may sapat ding pagkain.

Pinapaalalahan nila ang publiko na 'wag din kalimutan alagaan ang mga hayop sa panahon ng enhanced community quarantine.-Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.