Medical supplies store na nagbebenta ng 'overpriced' alcohol sinalakay sa Lucena City

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2020 06:21 PM | Updated as of Mar 24 2020 06:56 PM

Sinalakay ng mga awtoridad hapon ng Lunes ang isang bentahan ng medical supplies sa Lucena City, Quezon dahil sa umano'y pagbebenta ng alcohol nang lagpas sa suggested retail price. 

Sa bisa ng raid ng National Bureau of Investigation, nakumpiska ang kahon-kahong alcohol. Naaresto rin sa raid ang may-ari ng tindahan maging ang mga nagbabantay rito.

Ayon kay NBI-Quezon director Dominador Villanueva, ibinebenta ng P220 ang kada isang bote ng alcohol sa nasabing tindahan, higit na mas mataas sa P80 SRP na itinalaga ng Department of Trade and Industry (DTI). 

"Ang normal na presyo po ng mga alcohol natin is meron po tayong DTI guidelines yung particular ml na yun is 80 pesos yun pero ang ginawa nila, binebenta nila ng 220 each so sample lang yun ng alcohol na binebenta nila," ani Villanueva. 

Nahaharap ang tatlong suspek sa paglabag sa Price Act. 

Nanawagan si Villanueva na idulog sa kanila ang mga umano'y nananamantala ng presyo ng mga medical supplies sa gitna ng banta ng coronavirus disease 2019, ngayong mataas ang demand sa mga kagamitan gaya ng masks, alcohol at iba pa. 

"Marami po tayong district offices at asahan nyo po ang agaran na aksyon namin sa mga to at kakasuhan natin. Kakasuhan natin dahil sa ganitong sitwasyon, kailangan natin magtulungan," ani Villanueva.

Sa mga nais magsumbong sa NBI-Quezon kaugnay ng overpricing, maaaring makipag-ugnayan sa kanilang hotline (042) 373-1770 o kaya email ([email protected])

-- Ulat ni April Magpantay, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.