Libreng konsultasyon alok ng Facebook group na gawa ng mga doktor

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2020 02:30 PM

Ngayong marami ang nangangamba sa kanilang kalusugan sa gitna ng panganib ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) naisipan ng isang grupo ng mga doktor na gumawa ng Facebook group na nag-aalok ng libreng konsultasyon para sa mga pasyente. 

Sa pamumuno ng doktor na si Khristian Santos, nabuo noong Marso 20, 2020 ang Facebook group na "Doctors Online Consultation for Filipinos."

Kuwento niya, ito ang kanyang paraan para mabigyan ng kasagutan ang ilang tanong— pangkalusugan ng mga kababayan at hindi na makadagdag pa sa mga tao na nagpupunta sa ospital. 

Para mapangalagaan ang privacy ng bawat miyembro, masusi ang ginagawang screening ng grupo bago makapasok dito. 

Kaagad ding binubura ang post ng mga miyembro kapag nasagot na sila ng isang doktor.

Ayon kay Santos, karamihan sa natatanggap na tanong ng grupo ay tungkol sa mga sintomas ng COVID-19. 

Pero layon din aniya nilang sagutin ang ilang tanong tungkol sa iba pang mga sakit. 

Sa ngayon, higit 100 na ang doktor sa grupo at may kabuuan na silang 2,200 group members.

Kung nais sumama sa Facebook group na ito, maaaring bisitahin ang kanilang page at sagutin ang mga katanungan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.